Sabado, Agosto 15, 2015

“Unang Markahan, Unang Pahirap”

Saya, lungkot, inis, at pagod ang aking nadama sa paunang markahan. Hindi ko lubos maisip na ganoon pala ang klaseng paghihirap ang mararanasan ko ngayong nasa ikasiyam na baitang na ako. Unang markahan pa lang mukhang susuko na ako. Sa mga pinapagawa ng aming mga guro ng takdang aralin, mga proyekto at iba pa. Hindi ko alam kung anong uunahin ko, gawain sa bahay o mga pinapagawa sa paaralan. Sa oras pa lang, hirap na akong magbalanse lalo na may gampanin pa ako sa paaralan bilang SSG officer. Napapagalitan na nga ako minsan ng aking nanay na bakit araw-araw akong nasa eskwelahan pati sabado’t lingo wala ako sa bahay. 


Dalawang buwan pa lang, marami na akong kakaibang mga naranasan sa markahang ito na hindi ko pa nararanasan sa mga nakalipas na taon. Hindi sa pagkakaila, ngayong taon ko lang naranasan ang pagkahimatay sa gitna ng maraming tao. Dahil sa hindi ako kumain ng maayos sa araw na iyon, nahimatay ako at pinagtulong-tulungan akong buhatin papuntang clinic. At doon ko naramdaman ang pagmamalasakit nila sa akin bilang isang totoong kaibigan. 


Ngayon ko lang rin naranasan ang umiyak ng sobra. 1st time kong umiyak sa harap ng aking mga kaibigan. Dalawang beses pa nga akong lumuha. Ang una ay yung nagalit ang isa kong kaibigan sa akin dahil hindi ko binura ang kanyang litrato na di kanais-nais. Ngunit nalaman ko na umarte lamang siya upang paiyakin ako. Ang dahilan kung bakit ako umiyak ay dahil ayaw na ayaw kong may nagagalit sa akin, lalo pa’y kaibigan mo ang nagagalit sa iyo. Ang pangalawa naman kung bakit ako umiyak ay dahil sa nagalit ang isa kong guro at sinabihan ako ng masasakit na salita kahit wala naman akong ginagawang masama. Hindi ko nga alam kung bakit siya galit sa akin. Ngunit humingi naman ako ng kapatawaraan kahit hindi ko alam kung anong kasalanang ginawa ko. Ang ayaw ko lang ay yung may nagagalit sa aking guro na itinuring mo naring isang tunay na ina at sasabihan ka ng masasakit.


Ang pagiging huli sa pagpasok sa klase ang isa sa nararanasan ko ngayong pagiging baitang siyam. Simula elementarya hanggang baitang walo ay hindi ako nahuhuli sa klase. Hindi sa pagiging tamad gumising ng maaga, nagpupuyat ako dahil sa dami ng mga gawain o mga takdang aralin sa bawat asignatura. Minsan nga paghindi ko natatapos ang mga takdang aralin ginagawa ko ito sa loob ng silid habang nagtatalakayan. Nira-rush ko nga ung iba basta may maipasa lang.


Ang pagra-rush o pagmamadali ng mga gawain ang isa rinsa nararanasan naming lahat magkakaklase.
Hindi dahil hindi namin ginagawa ang mga gawain ng maaga, ay dahil na rin sa dami ng mga gagawin na hindi mo alam kung ano ang uunahin.

Tiyak na mas lalala pa at mas hihirap pa sa mga susunod na markahan. Subalit hindi ako susuko hangga’t kaya kong gampanan lahat ng mga gawain. Sana’y sa pamamagitan ng paghihirap na ito makuha ko ang aking mga minimithing pangarap sa buhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento