Sabi nga nila “walang poreber!” dahil sa bawat katapusan may bagong simula. Natapos na ang unang markahan at may panibago na namang simula ng pangalawang yugto ng pagiging baitang siyam. Sa bawat simula ng markahan, marami tayong mga inisip na inaasahan natin sa markahang ito. Hindi ko lubos maisip na ang bilis ng panahon. Hindi ko namalayan na ikalawang markahan na pala. Hindi ko man lang naseryoso ang unang markahan. Ngunit marami akong inaasahan ngayong markahang ito. Nais kong baguhin ang mga nakagawian kong mali sa nakaraang markahan.
Inaasahan ko sa panibagong markahan na mas magiging aktibo ako sa klase. Sisikapin kong magtaas ng kamay pag may talakayan. At tatanggalin ko ang aking hiya sa harap ng aking mga kaklase, sa pag-uulat o sa pagdula-dulaan man. Kaya maga-advance review ako para masundan ko ang mga ituturo ng aming mga guro sa paaralan.
Ang pagiging late o pagiging huli sa klase ang isa sa gusto kong baguhin sa mga susunod na markahan. Gagawin ko ang lahat upang gumising ng maaga. Dahil na rin sa pagod kaya hindi ako nagigising sa tamang oras. Kaya gagawin ko na ng maaga ang lahat ng aking mga takdang aralin o mga proyekto upang hindi na ako magpuyat.
Minsan dahil na rin sa dami ng mga gawain hindi ko nagagawa ang lahat ng ito. Kaya minsan nira-rush ko ang ibang gawain. Ginagawa ko nga yung iba habang nagtatalakayan. Kaya gusto kong baguhin ang nakasanayang gawain na ito, ang pagra-rush ng takdang-aralin o mga proyekto. Kaya habang maaga tapusin na ang mga gawain at huwag magmadali sa paggawa nito. At balansehin ang mga oras upang hindi maguluhan kung ano ang uunahin.
May kasabihan ngang “Pag-gusto mo maraming paraan, Pag-ayaw mo maraming dahilan”. Nawa’y ang mga isinulat ko na ito ay maisakatuparan at magawa ko ng tama.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento